Archive for the ‘Uncategorized’ Category

Merceditas Have Mercy On Us

Posted: March 23, 2011 in Uncategorized

Merceditas – ang tawag sa baluti ng mga hudas.
Pangalan ng taong caregiver ni satanas,
Maaari ring isang sakit na wala ng lunas,
O di kaya’y uri ng pagkaing nabubulok sa Payatas.

Merceditas
Sino ba talaga ang iyong amo?
Si REGLA bang nagluklok sa’yo?
O ang taumbayang nakatanghod sa’yo?

Kamukha mo yung tsismosa naming kapitbahay,
Hawig mo rin pag clinose-up yung anay.
Para kang BITCH sa aming paningin,
Pagkat inuupuan mo lang ang mga kasong nakabinbin.

Gusto ko sanang sumulat ng isang matinong tula,
Yung tipong hindi ko na kakailanganin pang magmura.
Kaya lang ikaw ang napili kong paksa,
Wala tuloy akong maisip na magagandang salita.

Panalangin ko sana’y bumaba ka na sa pwesto,
Wag mo ng patagalin ang dinaranas naming kalbaryo.
Nais na naming makalaya sa gapos ng korapsyon,
At ng makausad na ang naghihingalo nating nasyon.

 

 

Note:
REGLAREpresentative GLoria Arroyo

 

Advertisements

Natatandaan ko pa yung sabi sa akin dati ng tita ko,
Huwag ko daw ipipihit sa dulong kanan ang tuning ng radyo,
Nagtataka ako kung bakit nya nabanggit sa akin ito,
Andun daw kasi sa dulo ang estasyon ng mga demonyo.

Hindi ko na inalam kung totoo nga ito,
Hindi ko na rin inalam ang soundtrip sa impiyerno,
Basta ito lang ang tumatak sa aking utak,
Na kampon ni satanas ang Metallica at Razorback.

Grade 6 na ng simula akong magtanong ng mga bakit,
Bakit may mga kantang pasigaw ang pag-awit?
Bakit karamihan ng adik ay long hair ang gupit?
Bakit ang payat payat ni Pepe Smith?

Ang mga tanong ko ay nabigyan naman ng kasagutan,
Nabrain wash lang pala ako sa aking kabataan,
Wala naman pala talagang radio station ang mga demonyo,
NU 107 pala ang estasyon na tinutukoy ng tita ko.

Unti unting lumiwanag ang lahat,
Ang estasyon pala na ito ay rakrakan ang format,
Masarap rin palang makinig sa tugtugan na maiingay,
Lalo na pag ikaw ay badtrip dahil napagalitan ni nanay.

Lumipas ang mga araw, buwan at taon,
Nagbabago ang tugtugan, nag-iiba rin ang panahon,
Masakit isipin na kailangang humantong sa ganito,
Na ang NU 107 ay hindi na maririnig sa radyo.

Hindi ka na namin nagawang pigilan pa,
Pagkat karamihan sa amin ay naiintindihan ka,
Sasariwain na lang namin ang iyong alaala,
Alaalang babaunin hanggang sa aming pagtanda.

Salamat NU 107 sa maraming taon ng rakrakan,
Sa mga gig na ikaw ay aming naka-islaman,
Sa mga bandang sa amin ay iyong ipinakilala,
Salamat sa lahat. Salamat. Alak pa!

Sana Matalo si Pacquiao

Posted: November 4, 2010 in Uncategorized

Siguradong madaming magagalit sa sasabihin kong ito,
Dahil para sakin, gusto ko na si Pacquiao ay matalo.
O kitam, napakunot ko kagad ang iyong noo,
Pakinggan mo muna sana ang paliwanag ko..

Congressman na si Manny at kailangan na siya ng bayan,
Sobra sobra na rin ang ibinigay nyang karangalan,
Kung mananalo pa siya, alam ko na ang kasunod nyan,
Pihadong magkakaroon pa ulet siya ng isa pang laban..

Kaya para sa akin, kailangan nang matapos ito,
Mas kailangan na siya ngayon ng Kongreso,
Tuparin ang kanyang ipinangako noon sa mga tao,
Na pagsisilbihan ang bayan at maglilingkod ng totoo..

Kaya ngayon pare ko naiintindihan mo na ba ako?
Pilipino pa rin ako kahit siya ay matalo.
Kaya ang kanyang darating na laban ay ating abangan,
Baka sakaling pagbigyan ang aking munting kahilingan..

DILIM

Posted: November 3, 2010 in Uncategorized

Nananamlay na naman ang langit,
Mangilan-ngilan lamang ang mga talang nakasabit,
Pati ang buwan ay hindi magawang mang-akit,
Ng mga tao gamit ang taglay nitong rikit..

Hindi mawari kung magsasaboy ng luha sa lupa,
Para ipandilig sa mga halamang nakakaawa,
Pampawi sana sa nararamdaman nilang uhaw,
Bago pa man sumikat ang ginintuang araw..

Kung paraan ito ng langit para ako’y damayan,
Ang Maykapal ay labis kong pasasalamatan,
Kung makakaya ko lang sanang bawasan ang paghihinagpis,
Edi sana’y wala na ako dito para lang magtiis..

TULAGALAG: KARAPATAN

Posted: October 30, 2010 in Uncategorized

Paano Naman Kami?

Gawin mo lang ang sinabi sa’yo ni Bathala,
Kapag ika’y sumuway, agad kang mawawala.
Derecho lang ang lakad at huwag kang lilingon sa likod,
Isang maling galaw mo lang, ikaw na ang isusunod.

Kung ayaw mong maglaho, wag kang magsasalita
Para mata mo’y manatiling mulat, wag kang magsusulat
Gawin mo ito para sa iyong ikakabuti
Pero tanong ko lang sa’yo, paano naman kami?

Weird ba ako nung bata?

Posted: October 28, 2010 in Uncategorized

Weird ba ako nung bata?
Kasi pag nagluluto ako ng Lucky Me Beef Mami,
Hinihigop ko lahat ng sabaw hanggang matuyo,
Tapos pinapapakpak ko yung noodles.

Weird ba ako nung bata?
Kasi pag kumakain ako ng hotdog,
Kinakain ko muna ung laman,
Tapos ihuhuli ko na kainin yung pulang balot.

Weird ba ako nung bata?
Kasi kapag kumakain kami sa Jollibee,
Yung leg part lagi ung inoorder ko,
Tapos ihuhuli ko na kainin ung balat.

Weird ba ako nung bata?
Kasi ayaw kong kainin ang talong at okra,
Ang bagoong tsaka yung kamatis,
Pati na rin ung kilawin na dilis.

Weird ba talaga ako?
O maselan lang talaga?
Konting lakas pa ng loob at magbabago rin ako
Ang mga ayaw ko noon ay unti unti ko na ring magiging gusto..

Manhid

Posted: October 15, 2010 in Uncategorized

Sadya bang ganito ang pakiramdam,
Kapag ang magmahal ay hindi mo na alam?
Ang lahat sa’yo ay pilit lalayo?
Maiiwan kang nag-iisa sa mundo.

Bakit nga ba naging ganito?
Hindi nga ba’t dahil sa’yo?
Ang pagiging manhid at kahibangan,
Sa’yo ko lang lahat natutunan.

Mukang masaya ngang mag-isa,
Wala kang iba na inaalala.
Pero magiging sino na kaya ako,
Kung wala ng masasandalan ang aking pagkatao.

Sino na kaya ang magtuturo sa akin?
Na maibalik ang nasira kong damdamin.
Sino na kaya ang magbibigay sa akin?
Ng pagkakataong muling magmahal, at mahalin..