Kapangyarihan

Posted: October 15, 2010 in Uncategorized

Kung may isang ermitanyo na mag-aalok sa’yo ng isang kakaibang kapangyarihan, ano ang pipiliin mo at bakit?

Siguro naman ay pamilyar ka na sa tanong na ito. Malamang ay naitanong na sa’yo ito ng isang kalaro mo nung bata ka pa. Naitanong na rin sa’yo ito ng kaklase o kaya yung guro mo sa elementarya at hayskul. At siguro ay minsan na ring naitanong sa’yo ito ng isa sa iyong kaopisina.

Iba’t ibang klaseng kapangyarihan ang iyong maiisip. Andyan yung kapangyarihang makalipad (flying ability), hindi nakikita (invisibility), ubod ng lakas (super strength), humahaba ang katawan (flexibility), nakakabasa ng utak ng tao (mind reading), atbp. Kahit anong kapangyarihan ang maisip mo, siguradong meron ka pa ring magiging kahinaan. Kryptonite ika nga ng iba. Para naman maging balanse pa rin kahit papaano.

Kung ngayon ako papapiliin kung anong kapangyarihan ang gusto kong makuha, pipiliin ko ung nakakabasa ng isip. Bakit? Para mas maintindihan ko ang bawat tao sa mundo lalo na yung taong minamahal ko.

Malalaman ko yung mga bagay na nakakapagpasaya sa kanya, yung dahilan kung bakit siya malungkot, yung mga bagay na ayaw nyang gawin ko, atbp. Mas maiintindihan ko rin lalo ang kanilang mga kilos at galaw. Ang ibig sabihin ng kanilang pag-irap, titig, pagtanggi, pagtawa, pati na rin pag-iyak. Makasarili man akong maituturing pero ito na marahil ang pinakamainam na kapangyarihan para mapaglingkuran ng lubos ang aking minamahal.

Hindi ko na kailangan ang ubod ng lakas para maipagtanggol ka sa iba. Nababasa ko naman ang isipan nila kaya iiiwas na lang kita sa mga taong may binabalak na masama.

Hindi ko na kailangan ng kapangyarihang lumipad para dalhin ka sa iba’t ibang lugar. Nababasa ko naman ang isip mo kaya maaari kitang sorpresahin balang araw.

Hindi ko na rin kailangan maging invisible para bantayan ka o kaya kung ayaw mo akong makita. Nababasa ko naman ang iniisip mo kaya malalaman ko kung kelan mo gustong makita ako o di kaya kung kelan mo gustong hindi ako makita.

Hindi ko na rin kailangang pahabain ang katawan ko para mabigay sayo ang nais mo dahil iniisip mo pa lang ang gusto mo, ibibigay ko na kagad iyon sayo.

Pero kahit wala ako ng kahit isang kapangyarihang nabanggit ko, masaya at kuntento pa rin ako. Bakit? Dahil maaari kitang protektahan at mahalin sa kung ano mang meron ako ng walang halong daya at panlalamang. Tunay at wagas.

Kaya ikaw. Anong kapangyarihan ang nais mo?

Ayaw kong maging Bida

Posted: October 14, 2010 in Uncategorized

Ayaw kong maging bida, gusto kong maging kontrabida.
Si Joker na kalaban ni Batman,
Si Lex Luthor na kalaban ni Superman,
Si Venom na kalaban ni Spiderman.

Ayaw kong maging superhero, gusto kong maging kontrabida.
Si Shadow Moon na kalaban ni Kamen Rider Black,
Si Gagamba na kalaban ni Captain Barbell,
At si Megadeath na kalaban ni Combatron.

Kasi kung ako ung bida,
malamang sa akin ka laging aasa.
Aabangan mo ang bawat kilos ko,
Pupunahin ang bawat mali ko.

Titingalain mo nga ako,
hahangaan mo ng todo,
Ituturing na isang perpekto
Sasambahin na parang santo.

Kaya mas gugustuhin ko pang maging kontrabida.
Tanggap na nagkakamali ka at nakakagawa ng masama.
Hindi ka man naiintindihan minsan,
Pero pag ika’y nawala,
Tsaka nila malalaman kung bakit ka nagkakaganyan..

Nagsalubong na naman ang buwan at ang araw,
Simbolo ng panibagong pahina sa ating buhay.
Naglipana rin ulet ang mga nakalutang na langaw,
Pati rin ang hamog na sa mga daho’y sumasayaw.

Marahang paghikab kasabay ng matinding pag-iinat,
Sapilitang babangon kahit ang mata’y ayaw pa ring idilat.
Bitin man ang tulog ay kailangan pa ring gumayak,
Para simulan ang mga gawaing palagiang nakatambak.

Paulit ulit na kaganapan, anim na beses sa isang linggo.
Bawal ang mapagod at hindi magtrabaho.
Konting pahinga lang ay siguradong malaki ang kapalit,
Dahil ang pagkakataong dadaan ay hindi na muling mauulit.

Tibayan mo lagi ang iyong loob kaibigan,
Pagkat ang iyong paghihirap ay masusuklian rin ng kaginhawaan.
Kaya’t salubungin ang bawat umaga ng may pagpupursigi
At batiin ang mundo ng may ngiti sa inyong mga labi..

Magandang Umaga!

Sa pinakahuling mga pag-aaral, sinasabing ang memory ng isang goldfish ay umaabot lamang sa tatlong buwan. Ang lahat ng mangyayari pagkatapos ng tatlong buwan ay magiging panibagong mga alaala.

Clean slate.

Goldfish ka ba?

Siyempre, hindi. Pero sa panahon ngayon na nagiging malilimutin ang mga tao sa paligid, nararapat lang na may tumindig para ipaalala ang mga nangyari para tuluyang huwag mabaon sa limot at lumot.

Sa okasyon ng ika-isandaang araw ni Noynoy Aquino sa pagka-pangulo ng Pinas, naghahamon ang mga nalimutang mga pangyayari. Naghahamon ang mga bagay na hindi nagawa, naghahamon ang mga binalewala.

Naghahamon at nanghahawak ng tenga.

Papalag ka ba?

Samahan ninyo kaming ipaalala hindi lamang kay Noynoy Aquino ang mga isyung nangyari sa nagdaang tatlong buwan na aksidenteng nakalimutan o deliberately na kinalimutan.

Ito ang aking ambag para sa TULAGALAG: 100.

Simula’t sapul ay hindi na ako bilib sa’yo
Hindi ko nga naramdaman ang presensiya mo sa kongreso at senado
Kaya paano mo ako makukumbinsi na iboto ang kagaya mo?
Eh kaya lang MAJORITY wins, may magagawa pa ba ako?

Pagbubunyi ang ginawa ng mga Pinoy nung nanalo ka,
Kaya lang awa ang naramdaman ko para sa kanila.
Pag-asa ba talaga ang iyong hatid sa Pilipinas?
O dagdag ka lang sa mga sakit ng lipunan na walang lunas?

Magaling kang magsalita, magara rin ang iyong itsura
Simpleng tao ang gusto mong ipakita sa madla.
Pero hindi lahat kami’y maloloko mo,
Kulayan man ng ginto ang itlog, bugok pa rin ito.

300 na oras lang ang On the Job Training sa kolehiyo,
Pero anim na taon ang nilaan para sa iyo.
Naka-isandaang araw ka na, may nagawa ka na ba?
Kailangan pa bang i-memorize yan?
Siyempre wala pa.

loko moko high

Ask me anything

Palimos po ng Lupa

Posted: September 15, 2010 in Uncategorized

Sa ilalim ng tirik na araw,
Ikaw ay aking natanaw,
Nakayuko at abalang abala,
Sa putikang lupa ay inilalagay ang punla.

Sarap mong pagmasdan sa di kalayuan,
Animo’y kay gaan lamang ng iyong pinapasan.
Ngunit nang ika’y lapitan, labis akong nalumbay,
Pagkat nakita ko ang nagsusugat mong mga kamay.

Mga kalyong makakapal sa palad at talampakan,
Hindi mo alintana kahit ang likod ay pagpawisan,
Hindi masukat ang sakripisyo mo para sa bayan,
Pero kahit kapirasong lupa’y hindi ka nila mapagkalooban.

Sa tuwing kakain at sasandok ng maraming kanin,
Nakokonsensya ako kung ito’y hindi ko uubusin.
Pagtitipid na nga lang ang tangi kong magagawa,
Para gumaan man kahit kaunti ang iyong pagdurusa.

Ganoon ba kahirap na ika’y mapagbigyan,
Na mapasaiyo ang lupang iyong tinatamnan?
Ganoon ba talaga kaganid ang mga Panginoong Maylupa,
Tanging limos ang ibibigay kapalit ng prinsipyo mo’t kaluluwa?

Kung magiging patas lang sana ang mundo,
Edi sana’y hindi mo na mararanasan ito.
Kapirasong lupa lamang ang iyong kahilingan.
Bakit ang simple mong nais ay hindi nila mapagbigyan?

Land to the Tillers