Posts Tagged ‘eraserheads’

Natatandaan ko pa yung sabi sa akin dati ng tita ko,
Huwag ko daw ipipihit sa dulong kanan ang tuning ng radyo,
Nagtataka ako kung bakit nya nabanggit sa akin ito,
Andun daw kasi sa dulo ang estasyon ng mga demonyo.

Hindi ko na inalam kung totoo nga ito,
Hindi ko na rin inalam ang soundtrip sa impiyerno,
Basta ito lang ang tumatak sa aking utak,
Na kampon ni satanas ang Metallica at Razorback.

Grade 6 na ng simula akong magtanong ng mga bakit,
Bakit may mga kantang pasigaw ang pag-awit?
Bakit karamihan ng adik ay long hair ang gupit?
Bakit ang payat payat ni Pepe Smith?

Ang mga tanong ko ay nabigyan naman ng kasagutan,
Nabrain wash lang pala ako sa aking kabataan,
Wala naman pala talagang radio station ang mga demonyo,
NU 107 pala ang estasyon na tinutukoy ng tita ko.

Unti unting lumiwanag ang lahat,
Ang estasyon pala na ito ay rakrakan ang format,
Masarap rin palang makinig sa tugtugan na maiingay,
Lalo na pag ikaw ay badtrip dahil napagalitan ni nanay.

Lumipas ang mga araw, buwan at taon,
Nagbabago ang tugtugan, nag-iiba rin ang panahon,
Masakit isipin na kailangang humantong sa ganito,
Na ang NU 107 ay hindi na maririnig sa radyo.

Hindi ka na namin nagawang pigilan pa,
Pagkat karamihan sa amin ay naiintindihan ka,
Sasariwain na lang namin ang iyong alaala,
Alaalang babaunin hanggang sa aming pagtanda.

Salamat NU 107 sa maraming taon ng rakrakan,
Sa mga gig na ikaw ay aming naka-islaman,
Sa mga bandang sa amin ay iyong ipinakilala,
Salamat sa lahat. Salamat. Alak pa!